315 suspek, arestado sa isang linggong Anti-Criminality Operations sa Rehiyon 7

    0
    56

    Umabot sa 315 katao ang naaresto ng kapulisan sa Rehiyon 7 mula Agosto 31 hanggang Setyembre 6, 2025 sa kanilang maigting na anti-criminality operations. Sa naturang operasyon, nakumpiska ang iba’t ibang uri ng ipinagbabawal na gamot, mga baril, bala, at kagamitan sa iligal na sugal.

    Sa kampanya kontra iligal na droga, 173 na drug suspects ang nadakip habang 598.22 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P4,067,896 ang nasamsam.

    Samantala, sa pinaigting na operasyon laban sa loose firearms, 33 baril at 79 bala ng iba’t ibang kalibre ang nakumpiska at 24 na indibidwal ang naaresto at kinasuhan na sa korte.

    Patuloy ding hinahabol ng Police Regional Office (PRO) 7 ang mga wanted persons at nakapagtala ng 71 na pagkakaaresto—kabilang dito ang 12 na kabilang sa most wanted list at 59 na may kinakaharap na kaso at naisyuhan ng warrant of arrest.

    Hindi rin nakaligtas ang mga sangkot sa iligal na sugal matapos maaresto ang 47 katao na naaktuhan sa swertres at iba pang uri ng iligal na pasugalan sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

    Kasalukuyang nasa kustodiya ng kapulisan ang lahat ng mga suspek at nahaharap na sa kani-kanilang kaso, habang ang mga nakumpiskang ebidensya gaya ng iligal na droga, armas at bala ay isinailalim na sa imbestigasyon ng PNP Forensic Unit.

    Muling nananawagan ang kapulisan sa publiko na agad makipag-ugnayan sa PNP hotline kung may mapapansin na kahina-hinalang aktibidad sa kanilang paligid upang agad na maaksyunan at masiguro ang kaligtasan ng komunidad.

    Source: AYB/Sunstar