Umarangkada ang isang Symposium kontra bullying sa Gua Elementary School sa bayan ng Barbaza, Antique nito lamang ika-8 ng Setyembre, 2025.
Ang nasabing aktibidad na may temang “Stand Up, Speak Out: Symposium on Bullying Awareness and Prevention” ay pinangunahan ng Barbaza Municipal Police Station.

Layunin nitong bigyang kaalaman ang mga mag-aaral, guro, at magulang hinggil sa mga panganib ng bullying at cyberbullying.
Kabilang sa mga pangunahing tagapagsalita sina PEMS Christopher D Mendoza, PSSg Jonalie Balanis, at PSSg Elmar Painaga na tinalakay ang mga mahahalagang paksa tulad ng Anti-Child Pornography at Good Touch vs. Bad Touch.
Aktibong lumahok sa naturang symposium ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang 6, kasama ang kanilang mga guro at magulang na pinangunahan ni Gng. Susan Coloma, punong-guro ng paaralan.

Bilang karagdagang kaalaman, ipinalabas ang dalawang maiikling pelikulang pang-edukasyon—“Red Leaves Fallen” na tumatalakay sa isyu ng child pornography at sexual abuse, at “No Touch” na nagsusulong ng child safety advocacy.
Mahalagang hakbang ang isinagawang symposium upang maprotektahan ang kapakanan ng mga bata at palakasin ang kamalayan ng komunidad laban sa pang-aabuso at pananamantala.
Ipinapakita nito ang patuloy na malasakit at dedikasyon ng mga awtoridad sa pagbibigay ng ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan.
Panulat ni Pat Justine Mae Jallores
Source: BARBAZA MPS FB PAGE
