Kumpiyansa ang Department of Tourism (DOT) na mas marami pang turista ang maaakit sa Eastern Visayas dahil sa bagong inilunsad na One Visayas Tourism Circuit na nag-uugnay sa mga pangunahing destinasyon sa mga isla.
Ayon kay DOT-Eastern Visayas Regional Director Karina Rosa Tiopes nitong Martes, Setyembre 9, 2025, siyam na lugar sa rehiyon ang kasama sa tatlong initial tourism circuits na ipinakilala noong Setyembre 6, 2025.
Ang tatlong circuits ay: UNESCO Heritage at Gastronomy Trails, Dive Expeditions, at Heritage and Cultural Discoveries.
“Sadyang nilikha ang mga circuits na ito para mas mapalakas ang sustainable travel routes at ang ugnayan ng mga lugar sa Visayas. Layunin nito na bigyan ng tuloy-tuloy at magandang biyahe ang mga turista sa mayamang kultura, kasaysayan, pagkain, at kalikasan ng rehiyon,” pahayag ni Tiopes.
Samantala sa Dive Expeditions naman, pagkatapos mamasyal sa Western at Central Visayas, darating ang mga turista sa Bato, Leyte sa kanilang ika-anim na araw gamit ang Bohol-Leyte roll-on/roll-off trip. Sa Southern Leyte, magda-dive sila sa Sogod Bay at Limasawa Island sa ika-pito at ikawalong araw, bago lumipad pabalik ng Maynila.
Ang Sogod Bay ay tinatawag na hidden gem para sa mga divers—nagsasama ito ng malalaking isda at maseselang marine creatures. Samantalang ang Limasawa Island ay kilala sa malilinis nitong marine sanctuaries at dramatic wall dives na tahanan ng iba’t ibang klaseng lamang-dagat.
At panghuli ang Heritage and Cultural Discoveries, para naman sa heritage tour, darating ang mga turista sa Tacloban Airport mula Iloilo sa ika-anim na araw, at mag-oovernight sila sa Baybay City, Leyte.
Sa Baybay, bibisitahin nila ang Sea of Clouds—isang natural na tanawin na magandang abangan sa madaling araw. Habang sumisikat ang araw, makikita ang makapal na ulap sa mga lambak, at parang lumulutang sa ulap ang mga burol—sobrang ganda sa mata.
Sa huling araw ng tour, pupunta sila sa Santo Niño Shrine and Heritage Museum sa Tacloban City, bago bumalik ng Maynila.
Ayon kay Tiopes, “Ang Santo Niño Shrine ay isang kahanga-hangang gusali na kilala sa eleganteng disenyo at malawak na koleksyon ng sining at antiques. Makikita dito ang mga themed rooms na puno ng mamahaling muwebles, likhang-sining, at cultural items mula sa Pilipinas at ibang bansa.”
Ang One Visayas Tourism Circuit ay inilunsad matapos ang serye ng konsultasyon kasama ang mga tourism officials at tour operators mula sa tatlong rehiyon bilang bahagi ng “One Visayas” initiative.
Panulat ni Cami
https://www.pna.gov.ph/articles/1258344
