Sa layuning mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa kahalagahan ng soft skills, idinaos ng St. Paul University Iloilo (SPUI) ang 2025 Soft Skills Summit ngayong ika- 2 ng Setyembre, 2025 sa Marian Theatre, Iloilo City.
Ang kaganapang ito ay naglalayong bigyang-diin ang kahalagahan ng holistic development ng mga estudyante, partikular na ang kanilang kahandaan sa pagharap sa masiglang kompetisyon sa larangan ng trabaho.
Nakatuon ang pagtitipon para sa mga junior at senior high school students mula sa pitong paaralan sa Iloilo City.
Sa pamamagitan ng iba’t ibang workshop, diskusyon, at interaktibong aktibidad, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong paunlarin ang kanilang kakayahan sa komunikasyon, pakikipagtulungan, emotional intelligence, pamumuno, at adaptability—mga kasanayang kinakailangan upang maging handa sa hinaharap na karera.
Kabilang sa mga nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa summit sina Hon. Nathalie “Lee Ann” Debuque, Pangalawang Gobernador ng Iloilo Province, Rowena Diaz, Global Training Specialist ng AD Nano Company Ltd. sa Bangkok, Hon. Jo Jan Paul “JP” Peñol, COO ng IMMS at SB Member ng Pavia, Sr. Teresita Baricacua, SPC, Pangulo ng SPUI, Dr. Ariel Sudario, VP for Academic Affairs, at iba pang kagalang-galang na panauhin at tagapagsanay.
Binigyang-diin ni Vice Governor Debuque sa kanyang talumpati ang kahalagahan ng pagiging bukas at seryoso sa ganitong uri ng pagsasanay.
Sa huli, binigyang pugay ng mga kalahok at organizers ang suporta ng lokal at pambansang pamahalaan sa ganitong uri ng inisyatiba.
Sa pamamagitan ng mga programang pang-edukasyon at pagsasanay, patuloy na naipapakita ng gobyerno ang malasakit nito sa kabataan, na siyang kinabukasan ng bansa.
Ang pagtutulungan ng pamantasan, pribadong sektor, at pamahalaan ay mahalagang hakbang upang matiyak ang paghubog ng mga lider na may puso, talino, at kakayahang umangkop sa makabagong panahon.
Source: PANAY NEWS
