Humigit-kumulang 217 na pasilidad pangkalusugan sa Eastern Visayas ang na-accredit bilang Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) clinics na nagbibigay ng libreng konsultasyon at laboratory services, ayon sa ulat ng regional office ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) nitong Lunes, Setyemre 1, 2025.
Sa kasalukuyang datos, 80 sa mga accredited clinics ay matatagpuan sa Leyte, 36 sa Samar, 34 sa Eastern Samar, 32 sa Northern Samar, 25 sa Southern Leyte, at 10 sa Biliran.
Ayon kay Acisclo Militante Jr., hepe ng PhilHealth Eastern Visayas Field Operations Division, patuloy nilang pinagsisikapan na makapaglista ng mas maraming accredited health service providers sa ilalim ng programang inilunsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 25, 2025.
“Malaki ang inaasahan namin sa YAKAP upang mahikayat ang mas maraming Pilipino na magpakonsulta at maiwasan ang malulubhang sakit. Isa ito sa mga programang maagap na kumakalinga sa inyo at sa inyong pamilya, nagbibigay ng kapanatagan ng loob at kinabukasang walang alalahanin,” ayon kay Militante sa panayam ng Philippine News Agency.
Samantala, nasa 1,837,450 na miyembro ng PhilHealth ang nakarehistro na sa YAKAP upang makinabang sa libreng konsultasyon, gamot, pangunahing laboratory services, at vital cancer screenings.
Nilinaw naman ni Miramar Palacio, PhilHealth Regional Information Officer, na tanging ang mga may PhilHealth membership number at ang kanilang dependents lamang ang kuwalipikado sa programa.
“Nais naming linawin na magkaiba ang YAKAP registration sa PhilHealth membership registration. Kailangang nakarehistro ang lahat ng PhilHealth members sa YAKAP upang makuha ang mga benepisyo nito,” sabi ni Palacio.
Ang unang hakbang ay ang pagpaparehistro sa isang YAKAP Clinic. Maaari itong gawin sa pamamagitan ng eGov app, PhilHealth member portal, mga tanggapan ng PhilHealth, o direkta sa isang YAKAP clinic.
“Nagsisimula ang inyong paglalakbay sa kalusugan sa pamamagitan ng First Patient Encounter (FPE). Isang doktor ang gagabay sa bawat pasyente sa masusing health screening upang makabuo tayo ng isang personalisadong health plan,” dagdag ni Palacio.
Sa ilalim ng YAKAP, pumili rin ang PhilHealth ng hanggang 75 essential medicines. Saklaw ng benepisyo ang hanggang PHP20,000 kada taon, upang matiyak na hindi magiging pasanin sa mga pasyente ang gastos sa gamot.
Sinabi pa ni Militante na patuloy ang negosasyon ng PhilHealth sa mga botika sa rehiyon bilang mga katuwang sa pagbibigay ng libreng gamot.
Panulat ni Cami
https://www.pna.gov.ph/articles/1257701
