Isang malagim na pangyayari ang sinapit ng dalawang bata kasama ang kanilang ina sa kamay ng kanilang ama-amahan sa isang pananaksak na naganap sa Sitio Cayag-ang, Brgy. San Pedro, Albuera, Leyte bandang alas-10 ng gabi nito lamang Hunyo 10, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas “Delor,” nasa tamang edad at residente ng Sitio Katipunan, Brgy. San Pedro, Albuera, Leyte. Sa oras na isinusulat ang balitang ito, patuloy pa rin siyang pinaghahanap ng pulisya.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Tacloban kay PCpt Hazel A. Vacal, Public Information Officer ng Leyte Police Provincial Office, batay sa paunang imbestigasyon ng Albuera MPS sa pangunguna ni PMaj Sibunga, napag-alamang matagal nang may alitan ang magka-live-in dahil sa selos. May rekord na rin sila sa barangay ngunit hindi pa ito naiulat sa pulisya ng babae.
“Noong gabing iyon (Hunyo 10, 2025), muling nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa, at dito kumuha ng kutsilyo ang suspek at pinagsasaksak ang kanyang ka-live-in at ang dalawang anak nito.”
Dead-on-arrival ang 7-anyos na batang lalaki, habang binawian ng buhay sa ospital ang 4-anyos na kapatid na babae pasado alas-dos ng madaling-araw.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang kanilang 39-anyos na ina.
Walang tigil ang isinasagawang hot pursuit operation ng Albuera Municipal Police Station upang madakip ang suspek na haharap sa dalawang kaso na murder at isang frustrated murder.
Nagpakalat na rin ng mga intel ang kapulisan at nananawagan sa publiko na makipagtulungan at ireport agad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng suspek upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
