“Balay Paglaum” para sa Mga Batang May Kasong Legal, Opisyal na Binuksan sa Borongan City

    0
    202

    Opisyal nang binuksan ng pamahalaang lungsod ng Borongan ang “Balay Paglaum” (House of Hope) ang kauna-unahang pasilidad sa buong lalawigan na nakalaan para sa mga batang nasasangkot sa kaso o Children in Conflict with the Law (CICL) nito lamang Hunyo 27, 2025.

    Ang mga CICL ay mga menor de edad na pinaghihinalaan, inaakusahan, o napatunayang lumabag sa batas. Sa halip na ituring bilang mga kriminal, kinikilala sila ng pamahalaan bilang mga batang nangangailangan ng espesyal na proteksyon at tulong.

    Ayon kay Verina Amoyo, City Social Welfare and Development Officer, ang pagtatatag ng nasabing pasilidad sa Barangay Sohutan ay bahagi ng tuloy-tuloy na hakbang ng lungsod upang tugunan ang pangangailangan ng mga batang nasa krisis.

    “Ito ay isang institusyong nagbibigay-alaga sa mga bata, na nagsisilbing pansamantalang tirahan para sa mga edad 15 hanggang 18 na may kasong kinahaharap habang naghihintay ng desisyon ng korte o paglilipat sa ibang ahensya,” ani Amoyo.

    Layunin ng “Balay Paglaum” na matugunan ang mga aspeto ng kalusugan, nutrisyon, sikolohikal, edukasyon, at legal na pangangailangan ng mga CICL. Mayroon din itong mga sesyon para sa mga magulang, espesyal na interbensyon para sa mga batang may problema sa droga, at isang multidisciplinary team na mangangasiwa sa mga aktibidad ng pasilidad.

    Ang pagbubukas ng nasabing pasilidad ay inaasahang magbibigay ng mas ligtas at angkop na kapaligiran para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga kabataang nakagawa ng krimen o lumabag sa batas.

    Panulat ni Cami

    Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1253088