CNT member, nasawi sa encounter sa Northern Samar; mga high-powered firearms, nakumpiska

0
184

Nasawi ang isang miyembro ng Communist NPA Terrorist (CNT) sa naganap na sagupaan sa pagitan ng makakaliwang grupo at ng mga tauhan ng 8th Infantry (Stormtroopers) Division ng Philippine Army sa Barangay Nipa, Palapag, Northern Samar, umaga noong November 29, 2025.

Ayon sa inisyal na ulat, nangyari ang naturang encounter matapos maglunsad ng operasyon ang mga militar kasunod ng natanggap na impormasyon ng patuloy na pangingikil ng mga rebelde sa mga magsasakang residente sa nasabing barangay sa kabila ng hirap na dinanas ng mga ito matapos manalasa sa rehiyon ang sunud-sunod na mga bagyo.

Ang naturang mga rebelde ay pinaniniwalaang kabilang sa Sub-Regional Committee (SRC) Arctic ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) na nakasagupa ng mga militar sa kanilang hideout na mayroong mga International Humanitarian Law–banned Anti-Personnel Mines (APMs). Bunsod dito, napilitang tumawag ng mga tropa ng pamahalaan ng close air support na nagresulta ng pagkasawi ng isang CNT member.

Narekober dib ng mga atworidad sa encounter site ang limang high-powered firearms kabilang ang iba pang mga kagamitang pandigma.

Agad namang tumakas ang iba pang mga CNT members na patuloy pa ring tinutugis ng mga militar.

Samantala, mariin namang kinondena ng 8th Infantry Division ang naturang grupo ng mga CNTs sa patuloy na pagdulot ng kaguluhan sa nasabing mga komunidad.

Dagdag pa ng militar na ang patuloy na paggamit ng grupo ng mga ipinagbabawal na pampasabog ay nagpapakita ng kanilang tunay na mga katangian, sapagkat patuloy silang nagdadala ng kapahamakan sa mga sibilyan maging ng buong komunidad.

Tiniyak naman ng 8ID na magpapatuloy sila sa pagsasagawa ng parehong mga operasyon upang tugisin ang lahat ng mga natitira pang miyembro ng mga rebelde tungo sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan sa Eastern Visayas.