Vlogger, sinampahan ng kaso dahil sa pagpapakalat ng pekeng balita tungkol sa insidente sa bus sa Liloan, Cebu

0
223

Sinampahan ng reklamo ng Central Visayas Regional Anti-Cybercrime Unit ang isang vlogger na kilala sa pangalang “Jaissle” dahil sa umano’y pagpapakalat ng maling impormasyon ukol sa isang insidente sa loob ng bus sa Liloan, Cebu.

Ayon kay Brigadier General Redrico A. Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang reklamo ay isinampa noong Huwebes, Agosto 7, 2025, sa Office of the City Prosecutor sa Cebu City.

Kinasuhan ang vlogger ng paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code (Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances) na may kaugnayan sa Section 6 ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Batay sa ulat, muling ipinost ng vlogger ang isang lumang video at pinalabas na ito ay isang kaso ng snatching sa bahagi ng Yati, Liloan, Cebu, upang magmukhang laganap ang krimen at makapaghasik ng takot sa publiko.

Ngunit nilinaw ni Gen. Maranan na ang naturang insidente na nangyari noong Mayo 8, 2025 ay hindi snatching kundi isang simpleng alitan lamang sa pagitan ng mga pasahero

“Hindi natin palalagpasin ang sinumang gumagamit ng social media upang magpakalat ng maling impormasyon na nagdudulot ng takot at kalituhan sa publiko. Ito ay nagsisilbing babala: may pananagutan ang sinumang lumilikha ng pekeng balita,” ani Maranan.

Samantala, sa isang press conference, tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III ang tuloy-tuloy na pagsusumikap ng PNP na maiwasan ang mga krimen sa pamamagitan ng epektibong deployment ng mga pulis at mahigpit na pagmamanman sa mga komunidad.

Binatikos din ni Gen. Torre ang mga grupong patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon, partikular ang mga nagpapakilalang “DDS” o Diehard Duterte Supporters

“Ang mga viral diyan na mga pinaka vitriolic na mga posters diyan makikita mo naman ang laman anti-government propaganda at talagang tunay na mga DDS at sila mismo ang nagsasabi,” sabi ni Torre.

Nanawagan siya ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng opinyon.

“Pilipino tayong lahat. Gusto nating lahat na umunlad ang ating bansa. Kaya sana, magsama-sama tayo at kalimutan na muna ang mga alitan.”

Hinimok din ni Maranan ang publiko na maging mapanuri at huwag basta-basta maniwala o magbahagi ng impormasyon online na hindi beripikado.

Source: (TPM/SunStar Philippines)