Dalawang araw matapos ang sunog na tumupok sa mga kabahayan sa Sitio Mananga, Barangay Tabunok sa Talisay City, Cebu noong Hunyo 25, isa na namang sunog ang sumiklab sa Cebu — sa pagkakataong ito, sa Sitio Bamboo, White Road, Barangay Inayawan, Cebu City, pasado alas-dos ng madaling-araw ng Hunyo 27, 2025.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), higit 20 kabahayan ang naabo at tinatayang hindi bababa sa 30 pamilya o mahigit 100 katao ang naapektuhan.
Base sa ulat ng BFP, natanggap nila ang tawag kaugnay ng insidente bandang alas-3:09 ng madaling-araw. Idineklara itong first alarm pagsapit ng alas-3:14 at itinaas agad sa second alarm makalipas lamang ng apat na minuto dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy. Naapula ang sunog dakong alas-4:27 ng madaling-araw.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumutang ang pangalan ni Oliver Povadora, isang 47-anyos na Grab driver, dahil sinasabing sa kanyang tindahan nagsimula ang apoy. Ngunit mariin itong itinanggi ni Povadora, iginiit niyang matagal na niyang hindi ginagamit ang tindahan at wala na rin itong koneksyon sa kuryente.
Aniya, may mga residente rin na nagsabing maaaring sa isang kalapit na paupahan nag-umpisa ang sunog.
Dalawa ang naiulat na nasugatan sa insidente: isang 23-anyos na babae ang nagtamo ng second-degree burns sa kaliwang siko, habang isang 15-anyos na estudyante ang nasugatan sa paa matapos tumalon mula sa ikatlong palapag ng kanilang bahay upang makaligtas.
Isa ring kilalang residente sa lugar, si “Egoy,” isang lalaking bulag na may limang anak, ang nakaligtas kasama ang kanyang pamilya. Ayon sa kanyang kuwento, nagtataka siya kung bakit nagkakagulo ang mga kapitbahay kaya agad niyang ginising ang asawa. Doon nila napagtantong may sunog na pala. Tinulungan siya ng dalawang anak upang makalabas sila nang ligtas.
Lubos ang pasasalamat ni Egoy sa Diyos dahil, bagama’t naabo ang kanilang tahanan, ligtas naman ang kanyang mga mahal sa buhay.
Pansamantalang nanunuluyan ang mga apektadong pamilya sa Barangay Inayawan Sports Complex habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP upang tukuyin ang tunay na sanhi ng sunog. Isa sa mga tinitingnang dahilan ay ang posibleng faulty wiring.
Source: JDG, GPL /Sunstar
