Hindi bababa sa 21 na mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa Eastern Visayas ang nakatanggap ng mga laptop mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) sa paglulunsad ng Project Courses for Literacy in Internet and Computer Knowledge (CLICK) sa Palo, Leyte nitong Huwebes, Hunyo 26, 2025.
Kabilang sa mga nakatanggap ang pamahalaang panlalawigan ng Biliran at isa sa mga bayan nito, ang Caibiran; ang mga bayan ng Sta. Rita, San Sebastian, Marabut, at Jiabong sa lalawigan ng Samar; Liloan, Anahawan, at Saint Bernard sa Southern Leyte; Alangalang, Tolosa, Calubian, Carigara, MacArthur, at Matag-ob sa Leyte; San Julian, Hernani, Lawaan, at San Policarpo sa Eastern Samar; at Lope de Vega, Gamay, at Lapinig sa Northern Samar.
Ayon kay Melvyn Carlo Barroa, Officer-in-Charge ng DICT Eastern Visayas Regional Office, sa isang panayam: “Sa tulong ng matibay na pakikipagtulungan sa mga LGU, nabibigyan natin ng mas maraming oportunidad ang mga Pilipino na magkaroon ng kaalaman sa digital, para sa edukasyon, kabuhayan, komunikasyon, o pampublikong serbisyo. Napakahalaga ng papel ng mga LGU sa pagtutulay ng digital divide (agwat ng mga digital literate) sa ating mga pamayanan.”
Ang pamamahagi ng mga laptop ay bahagi rin ng culminating activity ng pagdiriwang ng National ICT Month sa rehiyon na ginanap sa The Tropics Hotel, na may temang “Digital Bayanihan Walang Iwanan.”
Ang Project CLICK ng DICT ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking walang Pilipinong maiiwan sa pagsulong ng digital na pagbabago sa bansa.
Layunin ng proyekto na mapalawak ang akses sa mga digital na kagamitan, matutukan ang pagbibigay ng mahahalagang teknikal na kasanayan sa mga Pilipino, at mapabuti ang kanilang produktibidad.
Panulat ni Cami
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1252990
