Php1B Hibulangan Irrigation Project sa Leyte, natapos na

0
144

Matagumpay na natapos ng National Irrigation Administration (NIA) ang PHP1-bilyong Hibulangan Small Reservoir Irrigation Project sa bayan ng Villaba, Leyte nito lamang Huwebes Agosto 7, 2025.

Ang proyekto ay idinisenyo upang patubigan ang 2,750 ektaryang lupang sakahan at matutulungan ang humigit-kumulang 1,820 magsasaka mula sa mga bayan ng Villaba, Kananga, at Matag-ob — mga pangunahing lugar ng produksyon ng palay sa lalawigan ng Leyte.

Ayon kay Engr. Kim Aldritz Panilag ng NIA Hibulangan Project, inaasahan nilang pamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang inagurasyon at turnover ng proyekto.

Bago pa man ang konstruksyon ng dam, itinayo muna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang diversion road, dahil mababaha ang bahagi ng Villaba-Kananga-Ormoc road dulot ng pagbaha sa lugar ng proyekto.

Ilang kabahayan at lupa rin ang naapektuhan ng proyekto, ngunit nabigyan ng kompensasyon upang maiwasan ang pagkaantala ng konstruksyon. Inilipat na rin ang mga poste ng kuryente at linya ng komunikasyon na nasakop ng proyekto.

Bagama’t higit 15 taon na ang nakalipas mula nang sinimulan ang proyekto, ngayon lamang ito lubos na natapos dahil sa ilang balakid tulad ng masamang panahon at kakulangan sa pondo.

“Hindi kasi kayang ibigay ng gobyerno ang buong halaga ng pondo nang minsanan. May mga taon na may pondong inilaan, at may mga taon din na wala kaming natanggap,” paliwanag ni Panilag.

Upang masigurong makarating ang tubig sa mga sakahan, itinayo ang mga turnout o irrigation canals sa mga palayan.

Ang 35.5 metrong earth-filled dam ay may storage capacity na tinatayang 10.8 milyong cubic meters ng tubig. Bukod sa irigasyon para sa mga sakahan, magsisilbi rin itong flood control project at may potensyal na maging isang destinasyong panturismo.

Ayon pa kay Panilag, nagpahayag na ang lokal na pamahalaan ng Villaba ng interes na paunlarin ang dam para sa mga water-related tourism activities sa oras na ito ay pormal nang ma-inaugurate at mai-turn over.

Panulat ni Cami

https://www.pna.gov.ph/articles/1256065