Matagumpay na isinagawa ng mga awtoridad ang isang Medical, Optical at Dental Mission nito lamang ika-6 ng Setyembre 2025, sa Brgy. Hinactacan, La Paz, Iloilo City.
Pinangunahan ito ni PCol Joan Sia, C, RMDU6, kasama ang pito pa nitong tauhan sa pakikipagtulungan ng Police Regional Office 6 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 National Crime Prevention Week.
Nagsimula ang programa bandang alas-siyete ng umaga at tumagal hanggang matapos mabigyan ng mga serbisyo ang lahat ng mga dumalo.
Umabot sa 72 katao ang naging benepisyaryo sa nasabing aktibidad kung saan nakapaghatid ang grupo ng vital signs taking, random blood sugar test, medical consultation, eye examination, at edukasyon ukol sa kalusugan ng mata.
Namahagi rin ang grupo ng libreng gamot, bitamina, maintenance medicines, at reading glasses.
Bukod dito, isinagawa rin ang topical fluoride varnish at pamamahagi ng mga dental kits upang higit pang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kalahok.
Sa kabuuan, 72 sibilyan ang sumailalim sa blood pressure monitoring at medical consultation, habang 745 tableta ang naipamahagi kabilang ang 405 na bitamina, 73 basic medicines, at 190 maintenance medicines.
Nakapamahagi rin sila ng libreng salamin sa mata sa 43 katao at dental kits sa 30 pasyente, samantalang 26 naman ang nakatanggap ng topical fluoride varnish.

Pinatunayan ng mga awtoridad na hindi lamang sila nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, kundi maging sa pangangalaga ng kalusugan ng mamamayan. Isa itong hakbang na kapuri-puri at dapat tularan sa larangan ng serbisyo publiko.
Source: REGIONAL MEDICAL AND DENTAL UNIT 6
