Mahigit sa isang libong drug suspek ang nahuli ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) mula Enero 12 hanggang Hunyo 8, 2025, sa patuloy nitong maigting na kampanya kontra droga.
Sa kabuuan, nakapaglunsad ang CPPO ng 850 anti-illegal drug operations sa loob ng limang buwan, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 1,221 drug suspects. Nakuha sa mga operasyon ang humigit-kumulang 7,350.945 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na Php49,986,426. Bukod dito, nakumpiska rin ang 306 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana at 700 halamang marijuana na may kabuuang street value na Php176,720.
Dahil dito, umabot na sa 1,962 kaso ang naisampa ng kapulisan laban sa mga nahuling suspek, kabilang na ang mga nakatakas ngunit positibong na-identify.
Ayon kay Police Colonel Jovito Atanacio, Acting Provincial Director ng Cebu Police Provincial Office, ang nasabing mga tagumpay ay patunay ng kanilang taos-pusong dedikasyon sa paglaban sa droga. Aniya, kung hindi ito nasabat, maraming buhay ang maaaring nawasak dahil sa pagkalat ng ipinagbabawal na gamot.
“This is a clear and resounding message to all those who profit from destroying lives through illegal drugs: We will find you, we will stop you, and we will make you accountable. Every operation we conduct is a step closer to safer communities and a future free from the grip of addiction,” pahayag ni PCol Atanacio.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, pinalalakas ng CPPO ang ugnayan sa mga barangay, mga intelligence unit, at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maisakatuparan ang mas epektibong operasyon na nakabatay sa impormasyon.
Hinimok din ni PCol Atanacio ang publiko na makiisa sa kanilang kampanya laban sa droga sa pamamagitan ng pagsumbong ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang mga lugar.
Source: AYB/Sunstar