Isang drug personality ang sugatan matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit ng Mabolo Police Station bandang alas-11:00 ng gabi noong Agosto 5, 2025, sa Sitio Rio 1, Barangay Apas.
Kinilala ang suspek na si Harry Mistula Candaza, 40 anyos, residente ng naturang lugar.
Ayon sa pulisya, bumunot ng baril si Candaza matapos mapansing pulis ang kanyang ka-transaksyon at naunang nagpaputok. Walang nasaktan sa mga operatiba at gumanti lamang ng putok ang mga ito, dahilan ng pagkasugat ng suspek.
Naaresto rin sa lugar ang tatlong kasamahan ng suspek na sina Retchel Ladera Solon, 40; Paulo James Solon, 28; at Vincent Retura Buar, 30, na pawang residente ng Sitio Rio 1.
Nakuha mula sa kanila ang 27 pakete ng hinihinalang shabu at isang .45 kalibreng baril na may apat na bala.
Samantala, sinalakay naman ng PDEA-Bohol ang isang drug den sa Purok 8, Barangay Cogon, Tagbilaran City bandang alas-6:07 ng gabi rin ng Agosto 5.
Naaresto ang target na si alyas Ray, 31, kasama ang dalawang lalaking naaktuhang gumagamit ng droga—alyas Romulo, 39, at alyas Jonathan, 33.
Nasamsam mula sa operasyon ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 290 gramo at halagang P136,000.
Inihahanda na rin ng PDEA-Bohol ang kaukulang kaso laban sa tatlong mga suspek.
Source: AYB/Sunstar
