Tacloban City – Pumalo na sa 32 katao ang namatay sa kolera outbreak sa Eastern Visayas habang nasa 87 kumpirmadong kaso at 3,955 na hinihinalang kaso mula Enero hanggang Oktubre 2022, ayon sa Department of Health (DOH) Regional Office nitong Huwebes, Nobyembre 3, 2022.
Inilabas ng DOH ang ulat sa kasagsagan ng cholera outbreak na ikinamatay ng limang pasyente sa lungsod ng Tacloban at 513 na iba pa mula noong Oktubre 23.
Ang surveillance monitoring report na ibinahagi ng DOH ay nagpakita na karamihan o 24 sa mga namatay ay naiulat sa lalawigan ng Samar kung saan nagsimula ang outbreak noong Abril 2022.
Sa 32 na nasawi sa kolera sa rehiyon, pito ang naitala sa Catbalogan City, apat sa Calbayog City, anim sa bayan ng Tarangnan, tig-dalawa sa bayan ng Almagro at Gandara, at tig-isa sa mga bayan ng Jiabong, Villareal, at Santa Margarita sa lalawigan ng Samar.
Sa pitong namatay sa Leyte, kabilang na dito ang limang nasawi sa Tacloban City at tig-isa sa mga bayan ng Abuyog at Tanauan. Sa Southern Leyte, isang pagkamatay ang naiulat sa bayan ng San Juan.
Ang mga biktima ay nagpakita ng mga senyales at sintomas ng mga may kolera, tulad ng pagtatae, pagsusuka at rapid dehydration.
Sa isang panayam kay Roderick Boyd Cerro, DOH Eastern Visayas Regional Epidemiology and Surveillance Unit Manager, ang kolera outbreak sa rehiyon ay unang naitala sa Santa Margarita, Samar kung saan 118 katao ang dumanas ng matinding pagtatae.
“Batay sa aming paunang pagsubaybay, ang sakit ay kumalat sa mga kalapit na lugar tulad ng Calbayog City at Catbalogan City dahil sa paggalaw ng mga nahawaang tao,” sabi ni Cerro.
Sa 3,955 katao na nagpakita ng sintomas ng kolera, 1,956 sa kanila ay mula sa lalawigan ng Samar, 932 mula sa Leyte, 527 mula sa Eastern Samar, 251 mula sa Biliran, 232 mula sa Southern Leyte, at 67 mula sa Northern Samar.
Sa mga hinihinalang kaso, 403 samples na ang nasuri ng DOH at 87 ang nagpositibo sa kolera sa pamamagitan ng laboratory testing.
Sa 87 positibong kaso, 34 ang naitala sa Tacloban City.
Noong 2021, nakapagtala lamang ang rehiyon ng 534 na hinihinalang kaso ng kolera na may tatlong namatay at walang kumpirmadong kaso, ayon sa DOH.
Ang kolera ay isang acute diarrheal infection na nanggagaling sa mga pagkain at inumin na kontaminado ng bacterium vibrio cholerae.
Ang kolera ay nakakaapekto sa parehong mga bata at matatanda at maaaring pumatay sa loob ng ilang oras kung hindi ginagamot, ayon sa World Health Organization.
Pinapayuhan ng DOH Regional Office ang publiko na pakuluan ang inuming tubig sa loob ng limang minuto kung hindi sigurado sa kaligtasan nito, magsagawa ng household water treatment na may chlorine, aquatabs at hyposol; regular na paglilinis ng storage reservoir at mga tangke ng tubig; wastong kalinisan; wastong paghahanda ng pagkain; iwasang kumain ng mga pagkaing ibinebenta sa kalye; paghuhugas ng mga prutas at gulay gamit ang malinis na tubig bago kainin o lutuin; at maagang konsultasyon kung nakakaranas ng mga sintomas nito.