Bayaning Pulis at Sundalo, pinarangalan sa kanilang kabayanihan sa Northern Samar

0
173

Isang pulis at isang sundalo ang pinarangalan dahil sa kanilang kabayanihan at sakripisyo matapos ang magkahiwalay na engkuwentro laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Las Navas, Northern Samar.

Si Corporal Arcel Sicnoy ng Philippine Army (PA) at si Executive Master Sergeant Harry Palao-ay ng Philippine National Police (PNP) ay binigyang-pugay sa isang send-off ceremony na ginanap sa headquarters ng 803rd Infantry Brigade (IB) sa Catarman, Northern Samar nito lamang Lunes, Agosto 5, 2025.

Si Sicnoy, 34 anyos at tubong Kabugao, Apayao, ay nasawi noong Hulyo 31 matapos ang sagupaan sa kabundukan ng Barangay San Isidro.

Samantala, si Palao-ay, na tubong La Trinidad, Benguet, ay nalunod noong Agosto 2 nang tumaob ang sinasakyang bangka habang pauwi mula sa isang crime scene na may kaugnayan sa naturang engkuwentro sa San Isidro.

“Ating ginunita ang kanilang buhay sa pamamagitan ng isang seremonyang may buong military honors, taos-pusong pagbibigay-galang, at panalangin mula sa kanilang mga kasama, opisyal, at mahal sa buhay. Umingay ang 21-gun salute sa buong kampo bilang simbolo ng pinakamataas na pagpupugay sa ating mga bayani,” ayon kay Capt. Jefferson Mariano, tagapagsalita ng 8th Infantry Division ng Philippine Army.

Isinagawa ang operasyon sa Barangay San Isidro matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ukol sa presensya ng mga armadong kalalakihang nangingikil at nananakot sa mga magsasaka sa lugar, na kilalang balwarte ng NPA.

Sa dalawang sagupaan, walo sa mga rebelde ang napatay, kabilang na ang ilang mga lider ng regional guerilla unit ng Eastern Visayas Regional Party Committee.

Matapos ang engkuwentro, matagumpay namang narekober ng mga militar ang limang M16 rifles, dalawang R4 rifles, isang M203 grenade launcher, isang K3 light machine gun, at isa pang M16 rifle.

Panulat ni Cami

https://www.pna.gov.ph/articles/1255840