Ipinahayag ng International Marine Conservation Group na Oceana nitong Miyerkules, Agosto 27, 2025 na isinusulong nila ang mga pangunahing alternatibong kabuhayan sa Panaon Island sa Southern Leyte bilang tugon sa lumalalang problema ng overfishing.
Sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST)–Southern Leyte, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, mga institusyong pang-agham, at mga samahan ng mangingisda, ipinatutupad ang mga proyektong nakabatay sa komunidad sa ilalim ng “Blue Economy” agenda ng lalawigan.
Kabilang sa mga pangunahing alternatibong kabuhayan na inihahain ay ang sea cucumber ranching, pag-aalaga ng sandfish sa mga bayan ng Liloan at San Francisco, at pagpoproseso ng pusit sa bayan ng Pintuyan.
“Ako’y may tiwala sa mga benepisyong maibibigay ng pangangalaga sa Panaon Island sa mga lokal na komunidad. Habang patuloy na nauubos ang mga isda at palala nang palala ang epekto ng climate change at labis na pangingisda, binibigyan ngayon ng bagong landas ang mga residente patungo sa sustainability — mga kabuhayang suportado ng agham na hindi lamang nagpapagaan ng presyon sa karagatan kundi nagbibigay rin ng bagong pagkakataong pangkabuhayan,” ayon kay Von Hernandez, bise presidente ng Oceana.
Ang mga inisyatibong ito ay bahagi ng mas malawak na estratehiyang tinatawag na SPEED-SL o Science and Technology Programs to Enhance Economic Development of Southern Leyte, na pinagsasama ang inobasyon, pagpapatibay sa mga komunidad, at pangangalaga ng likas na yaman.
“Sa pagyakap ng Panaon sa Blue Economy, binibigyan natin ng pagkakataon ang agham, teknolohiya at inobasyon na gawing bukal ng pag-asa, kabuhayan, at pangmatagalang pag-unlad ang ating mga karagatan para sa mga taga-Southern Leyte,” pahayag ni Ramil Uy, Provincial Director ng DOST Southern Leyte.
Habang hinihintay ang pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang ganap na maisabatas ang Panaon Island Protected Seascape (PIPS) bill, patuloy ang Oceana sa pagtulong sa pambansa at lokal na pamahalaan sa konsultasyon sa mga komunidad.
Layunin ng PIPS bill na magtatag ng legal na balangkas para sa pangmatagalang pangangalaga ng karagatan habang pinahihintulutan ang sustainable use zones at pamamahala ng mga yamang-dagat sa pamamagitan ng mga komunidad.
Kapag naisabatas, magpapatibay ito ng mga hakbang laban sa illegal fishing, magbibigay proteksyon sa likas na yaman, at magtitiyak ng patuloy na suporta sa mga alternatibong kabuhayan.
Ang salitang Panaon ay nagmula sa salitang “pana,” isang tradisyunal at likas-kayang paraan ng pangingisda. Ang isla ay matatagpuan sa Southern Leyte at nahihiwalay sa Dinagat sa silangan at sa Mindanao sa timog-silangan sa pamamagitan ng Surigao Strait.
Kabilang sa mga bayan sa loob ng Panaon Island ang Liloan, San Francisco, Pintuyan, at San Ricardo.
Panulat ni Cami
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1257409
