NIA, tiniyak na manageable ang patubig sa Region 8 sa kabila ng matinding init ng panahon

0
170

Sa kabila ng nararanasang matinding init ng panahon, tiniyak ng National Irrigation Administration – Region 8 (NIA-8) na nananatiling sapat at maayos ang pamamahala ng patubig sa rehiyon, kaya’t hindi ito dapat ikabahala ng mga magsasaka.

Sa isang panayam nito lamang Agosto 6, 2025, sinabi ni Sarah Francisco, Public Information Officer ng NIA-8, natural lamang na bumaba ang suplay ng tubig tuwing tag-init, ngunit hindi ito malaking problema dahil may nakahanda na silang operation and maintenance plan kung saan malinaw kung paano nila mamanage ang patubig sa panahon ng tagtuyot.

Dagdag pa ni Francisco, nasa mga bukirin ang mga tauhan ng NIA upang personal na tumulong at mag-monitor sa kalagayan ng mga magsasaka at kanilang pananim.

Hinihikayat din ni Francisco ang mga magsasakang hindi pa kasapi ng mga Irrigators Association na magpamiyembro na upang makamit nila ang benepisyo ng patubig mula sa NIA.

Samantala, inamin din ni Francisco na may ilang lugar pa rin sa rehiyon na wala pang patubig, ngunit ito ay kasama na sa mga planong paunlarin sa mga susunod na panahon.

Sa kasalukuyan, nasa 53,162 ektarya na ang nairigahang lupain sa rehiyon, kung saan 47,997 ektarya ang aktibong tinataniman.

Patuloy pa rin ang mga proyekto ng NIA-8 upang matiyak na lahat ng sakahan sa rehiyon ay mabibigyan ng maayos at sapat na patubig.

Panulat ni Cami