Lalaking nagpalutang-lutang sa dagat, nasagip ng mga awtoridad

0
195

Nasagip ng mga awtoridad ang isang lalaki na natagpuang palutang-lutang sa dagat malapit sa Barangay Kawayan, Biliran bandang alas-9 ng umaga nito lamang Mayo 29, 2025.

Kinilala ang lalaki na si alyas “Nathan,” 37 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Barangay Cogon, Ormoc City.

Natagpuan siya ng mga tauhan ng Kawayan Municipal Police Station (MPS) at ng Kawayan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) habang nakalutang sa dagat gamit ang isang salbabida.

Ayon kay Nathan, papunta sana siya sa Maripipi Island upang magbakasyon ngunit dahil sa kakulangan ng pamasahe, napagpasyahan niyang lumangoy papunta sa isla.

Agad siyang dinala sa Kawayan Rural Health Unit (RHU) para sa medikal at pisikal na pagsusuri. Nag-abot din ng tulong pinansyal ang kapulisan para sa kanyang pamasahe.

Sa kabila ng tulong, napagdesisyunan ni Nathan na bumalik na lamang sa Ormoc City imbes na ituloy ang kanyang bakasyon sa Maripipi.

Panulat ni Cami

Source: RMN Tacloban – #RMNTaclobanNews: LALAKI NGA TIKADTO HA… | Facebook