Bacolod City- Muling magbabalik ang isa sa pinaka-engrandeng festival sa bansa, matapos masuspende ng dalawang taon dahil sa CoVID-19 pandemic. Iyan ay ayon sa Lokal na pamahalaan ng Bacolod City.
Ayon pa ni Atty. Rayfrando Diaz, Provincial Administrator, nirequest ng Bacolod City government sa provincial government ng Negros Occidental na gamitin ang Panaad Sports Park and Stadium nito sa Brgy. Alijis, Bacolod City, bilang pagdadausan sa naturang selebrasyon ngayong taon.
Dagdag pa niya, na minadali na rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Negros Occidental ang iba pang mga renovation sa nasabing sports facility, ito ay para magamit ng Bacolod City government batay sa kanilang schedule.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na gaganapin ang Masskara Festival sa Panaad Park and Stadium, kahit na minsan ginanap ang Masskara arena dance competition sa Paglaum Sports Complex, na pareho ring pag-aari ng provincial government.
Kadalasan lamang ginaganap ang Masskara Festival sa Bacolod Public Plaza at sa Lacson Tourism Strip.
Kilala ang Masskara Festival bilang “‘festival of ‘many faces,’” na nabuo matapos ang mga trahedya na nalagpasan ng mga Bacolodnon at Negrense noong 1980s.