Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ng Region 8 ang limang miyembro ng New People’s Army (NPA) mula sa mga lalawigan ng Leyte at Northern Samar, ayon sa Philippine Army nitong Miyerkules, December 3, 2025.
Ayon sa ulat, sumuko ang tatlong NPA members sa 93rd Infantry Battalion (IB) headquarters ng Philippine Army sa bayan ng Kananga noong Dec. 1, 2025.
Kinilala ang tatlong sumuko na sina Remegio Narbonita alias Alon, mula sa Carigara, Leyte; Rocelo Corea alias Rod/Ryan/Billy, mula Hindang, Leyte; at Rosendo Orca alias Sendo, mula naman sa Kananga, Leyte.
Lahat ng tatlo ay miyembro ng Squad 2, Island Committee Levox ng NPA Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).
Sa isang online press briefing, sinabi ni Lt. Col. Celeste Frank Sayson, Commander ng 93rd IB, na kasamang isinuko ni Corea at Orca ang kanilang .45 caliber pistol. Saad pa ng mga sumukong indibidwal na ang hiling ng kanilang pamilya ang naging mitsa sa kanilang pagbabalik-loob lalo na at papalapit na ang kapaskuhan.
Kinumpirma naman ni Brig. Gen. Pompeyo Jason Almagro, Commander ng 802nd Infantry Brigade ng Philippine Army, ang naturang pagsuko at mainit na tinanggap ang nasabing mga indibidwal sa pagbabalik-loob nila.
“We are happy because these surrenderers listened to the calls of their families and the government,” saad pa niya at tiniyak na nariyan ang Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at iba pang mga partner agencies para suportahan ang kanilang pagbabalik-loob.
Samantala, nauna namang sumuko ang dalawa pang NPA member sa Police Regional Office 8, sa ilalim ng pangangasiwa ni PBGen Jason Capoy, noong Nov. 28 at 29, 2025, kasunod ng mga sagupaan na naganap sa Eastern Samar.
