Sinimulan ng pamahalaang lungsod ng Tacloban City ang pagtatayo ng isang tatlong-palapag na pasilidad ng paradahan sa downtown area bilang tugon sa lumalalang trapiko sa kabisera ng rehiyon nitong Miyerkules ika-13 ng Nobyembre 2024.
Inanunsyo ng pamahalaang lungsod na opisyal nang nagsimula ang unang bahagi ng bagong multi-level parking area sa kahabaan ng Quezon Boulevard ng lungsod, na inaasahang matatapos sa loob ng apat na buwan.
Ang unang bahagi, na may badyet na PHP15 milyon, ay magtatampok ng pagtatayo ng 10 poste ng estruktura sa city pier. Itatayo ito sa ibabaw ng dagat sa loob ng pantalan ng lungsod.
“Nagtatayo kami ng mga pundasyon dahil hindi kami pinahintulutang mag-reclaim ng lupa sa lugar,” ayon kay Dionisio De Paz, pinuno ng city engineering office, sa isang panayam sa mga mamamahayag.
Ang aktwal na espasyo para sa paradahan ay itatayo sa mga susunod na taon dahil sa limitadong badyet ng pamahalaang lokal.
“Ipinursige ng pamahalaang lungsod ang pagtatayo ng pasilidad na ito dahil hindi na maaaring palawakin ang mga kalsada sa lungsod at hindi rin magamit bilang mga parking space,” dagdag pa ni De Paz.
Kapag natapos, ang bayad na paradahan sa likod ng unang sangay ng McDonald’s sa lungsod ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang 200 standard-sized na sasakyan, na tutugon sa lumalaking pangangailangan sa paradahan sa lungsod.
Layunin nitong ma-accommodate ang mga sasakyang nakaparada sa downtown ng lungsod, partikular sa Justice Romualdez St., Rizal Avenue, at Quezon Boulevard.
Ang parking facility ay may lapad na 40 metro at haba na 81 metro. Ang ground floor nito ay magsisilbing terminal para sa mga pasahero ng mga motorbanca na papunta sa mga lugar ng Samar.
Ang Tacloban ay isang highly urbanized city sa rehiyon ng Silangang Visayas na may populasyon na 251,881, na siyang pinakamataong lungsod sa rehiyon.
Panulat ni Cami
Source: PNA