Nagpahayag ng pasasalamat si Governor Harris Ongchuan sa tulong ng Department of Agriculture–PhilMech sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program, kung saan apat (4) na Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) mula sa Las Navas, Palapag, at Laoang ang kwalipikadong tumanggap ng mga makabagong makinarya sa pagsasaka nito lamang Agosto 29, 2025.
Nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa Kapitolyo sa pagitan ng DA-PhilMech at ng apat na asosasyon. Bawat isa ay makakatanggap ng package na nagkakahalaga ng ₱4,369,000, para sa kabuuang halaga na ₱17,476,000. Kabilang sa mga makinaryang ipagkakaloob ay mga four-wheel tractors at rice combine harvesters na makatutulong upang mapababa ang gastos sa produksyon, mapagaan ang trabaho, at mapataas ang ani ng palay.
Ayon sa Provincial Agriculture Office, ang mga benepisyaryo ay ang Brgy. Talolora Farmers Association (Palapag), Robasan Farmers Irrigators Association (Las Navas), Laoang Mainland Farmers Association, at Bobolosan Multi-Sector Kilusang Pagbabago Organization (Laoang).
Binigyang-diin ni Gov. Ongchuan na ang proyektong ito ay magpapalakas sa lokal na produksyon ng pagkain, magsusustena sa kabuhayan ng mga magsasaka, at magsisilbing daan tungo sa rice sufficiency sa tulong ng pambansang pamahalaan at iba pang mga katuwang.
Panulat ni Cami
https://www.facebook.com/share/p/16DNMXTtxL/
