Pinaigting ng buong lakas ng kapulisan sa Central Visayas ang kanilang mga hakbang para sa seguridad sa mga daungan at terminal sa rehiyon, sa hangaring magkaroon ng “zero crime” ngayong Semana Santa.
Ininspeksyon ni Police Brigadier General Anthony Aberin, Regional Director ng Police Regional Office sa Central Visayas (PRO 7), ang Cebu South Bus Terminal nitong Miyerkules ng umaga, Abril 5, 2023, upang matiyak na nasa lugar ang mga tauhan ng Cebu Police Provincial Office (CPPO) at upang ipatupad ang plano sa seguridad.
Sinabi ni General Aberin na wala siyang nakitang problema sa pagpapatupad, dahil binabantayan ng mga tauhan ng pulisya ang terminal habang may nakalagay na police assistance desk (PAD).
Ang mga PAD ay inilagay sa mga daungan at mga terminal upang matiyak na ang publiko ay may isang tao o isang koponan na lalapitan kung sakaling magkaroon ng mga emerhensiya.
“Ang aming police assistance desk ay nai-set up upang may malapitan ang mga tao para sa kanilang kaligtasan at seguridad, at mapigilan ang anumang plano na nasa isip ng mga kriminal,” saad ni General Aberin.
Sinabi ni General Aberin na inatasan na niya ang mga tauhan ng pulisya na bantayan ang mga mandurukot at miyembro ng Salisi Gang na maaaring magsamantala sa pagdagsa ng mga pasahero ngayong Semana Santa.
Pahayag pa ni General Aberin, na wala silang natatanggap na anumang mga banta, ngunit iginiit na hindi sila nagpapabaya sa kanilang pagbabantay lalo na sa mahahalagang instalasyon sa rehiyon.
Sa kabilang panig, personal na binisita ni Police Colonel Rommel Ochave, Hepe ng CPPO, ang mga pulis na naka-deploy sa South Bus Terminal kasama ang mga tauhan ng Cebu City Police Office.
Nagtalaga ang CPPO ng 12 pulis para bantayan ang gate ng South Bus Terminal, kasama ang mga miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT).
Sinabi ni Ochave na mahigit 1,000 police personnel mula sa CPPO ang naka-deploy sa ilang “area of convergence” sa Cebu, tulad ng mga simbahan, pantalan, terminal at tourist destination, ngayong Semana Santa.
Dagdag pa niya, para matiyak na sumusunod ang mga tauhan sa utos, kailangan nilang magsagawa ng inspeksyon.
“Yun nga naka full alert tayo ngayon, 24 hours ang duty natin tapos mayroon tayong red teaming to check kung ang ating deployment plan ay nasusunod,” saad nito.
Nauna nang naglunsad ng simulation exercises ang mga tanggapan ng pulisya sa Central Visayas upang subukan ang kakayahan ng bawat istasyon o opisina ng pulisya sa paghawak ng mga krimen.