Isang 23-taong-gulang na vlogger at isang 8 taong-gulang na bata ang nasawi sa magkahiwalay na insidente kaugnay ng paputok sa lalawigan ng Cebu noong bisperas ng Bagong Taon, ayon sa mga awtoridad nitong Miyerkules.
Si Cyril John Remis, residente ng Barangay San Roque, Asturias, ay idineklarang patay sa ospital matapos sumabog ang isang paputok malapit sa kanyang dibdib.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagpasabog umano si Remis ng mga paputok kasama ang kanyang mga kapitbahay nang mangyari ang aksidente.
Sinubukan umano niyang lapitan ang isang bombshell-type na paputok na akala niya ay hindi pumutok. Habang inaasikaso niya ito, bigla itong sumabog, na nagdulot ng malulubhang pinsala sa kanyang dibdib at mukha.
Napakalakas ng pagsabog kaya’t agad itong ikinasawi ni Remis. Bagama’t isinugod siya sa ospital, idineklarang patay na siya pagdating doon.
Samantala, sa Talisay City, isang 8 taong-gulang na bata ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan sa pagsabog ng paputok sa Purok Kamunggay, Barangay Cadulawan.
Tinamaan ang mga biktima ng mga tumalsik na debris tulad ng basag na mga tiles at bato matapos sumabog ang paputok na kilala bilang “Goodbye Philippines” sa kasagsagan ng selebrasyon.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente sa Talisay upang matukoy ang mga may pananagutan sa paggamit ng ipinagbabawal na paputok, sa kabila ng mahigpit na regulasyon.