Mariing kinondena ng Visayas Command ang pinakabagong pag-atake ng Communist NPA Terrorist group gamit ang anti-personnel mine laban sa tropa ng gobyerno na nagsisilbing Community Support Program Team sa Brgy Quirino, Las Navas, Northern Samar.
Anim (6) na miyembro ng 20th Infantry Battalion, Philippine Army ang nasugatan sa pag-atake. Sinisiguro ng tropa ang patuloy na pagpapagawa ng water system project sa nasabing barangay nang mangyari ang pag-atake.
Binigyang-diin ni Major General Benedict M Arevalo PA, ang Acting Commander ng VISCOM na “Ang patuloy na paggamit ng NPA ng mga anti-personnel mine ay isang malinaw na pagpapakita ng kanilang sadyang pagkawalang bahala sa kaligtasan ng komunidad at ng mga taong maaaring maapektuhan ng pagsabog ng mga ito. Our response to this incident will be swift and resolute. Rest assured that the perpetrators will be brought to justice.”
Dagdag pa niya, “Sa anti-development mentality ng CPP – NPA, ang pag-atakeng ito ay ang desperadong pagtatangka nilang guluhin ang kapayapaan at pag-unlad ng gobyerno sa Northern Samar kung saan ang Support to Barangay Development Program (SBDP) ng NTF-ELCAC ay puspusan na at ang nakatutok na operasyong militar ng mga tropa ng gobyerno ay naging epektibo sa pagneutralisa sa kanilang mga leader at pagpapababa ng kanilang mga pwersa”.
Ang Brgy Quirino ay isa sa pitong (7) barangay sa Las Navas, Northern Samar na tumanggap ng ilang development projects kabilang ang Level II Water System Project sa ilalim ng Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.
Sa ilalim ng Ottawa Convention o Mine Ban Treaty, ang produksyon, stockpile, transportasyon, at paggamit ng anti-personnel mine ay mahigpit na ipinagbabawal.