Nakatakdang ipapatupad sa lungsod ng Iloilo ang pagkakaroon ng underground cable sa lungsod partikular na sa mga bahagi ng plaza, mga heritage site at mga daanan ng lungsod.
Ito ay kasunod sa pagka-aproba ng City Regulation Ordinance No. 2023-006 na nag-uutos sa pagpapatupad ng underground cables sa iilang mga bahagi ng lungsod.
Ayon kay Councilor Rommel Duron, proponent ng nasabing ordinansa, na sa ilalim ng naturang city regulation, naatasan ang iba’t ibang electric cooperative sa lungsod na magkaroon ng underground cabling sa loob ng 240 araw o nasa walong buwan.
Sa pahayag naman ni MORE Power President at Chief Executive Officer Roel Castro, natapos na nila ang ground surface survey sa isang kilometrong kahabaan ng Calle Real kasama ang JM Basa Street, isa sa mga bahagi ng lungsod na magkakaroon underground cabling.
Samantala tiniyak naman ni Castro na ang nasabing proyekto ay hindi makakaapekto sa daloy ng trapiko sa lungsod sapagkat hindi ito gagamit ng tradisyonal na pamamaraan ng paghuhukay. Anya, gagamit sila ng makabagong teknolohiya para sa lungsod ng Iloilo, iyan ang horizontal drilling technique.
Tinatayang aabot ang initial cost ng proyekto sa halagang mahigit kumulang Php95 million.
Inaasahan namang matatapos ang underground cabling sa susunod na tatlo o apat na buwan.