Sinabi sa isang pahayag ni Eastern Samar Provincial Board Member at Philippine Councilors League (PCL) Regional President Ralph Vincent ‘RV’ Evardone na pinag-aaralan na ng Sangguniang Panlalawigan ng Eastern Samar ang dagdag umento sa kasalukuyang sahod na natatanggap ng mga nurses at iba pang health care workers sa Eastern Samar Provincial Hospital.
Pahayag ito ng bagitong Bokal sa 1st Year Anniversary ng Hemodialysis (HD) Unit kung saan nagsilbi itong panauhing pandangal nitong nakaraang linggo sa ESPH.
Aniya, may utos din umano ang kaniyang ama na si Governor Ben Evardone na ipasa ito sa Sanggunian sa lalong madaling panahon makaraang maglabas din ito ng direktiba na umentuhan na ang sahod ng health care workers at nurses bilang sukli sa kanilang dedikasyon sa trabaho. Kampante naman si Board Member Evardone na 90% itong papasa sa Sangguniang Panlalawigan.
Sinabi ni Evardone na magiging prayoridad ng administrasyon ng kanyang ama ang pagsusulong ng mas mahusay at dekalidad na serbisyong medikal at pangkalusugan sa lalawigan.
Patunay aniya dito ang pagkakaroon ng mga modernong kagamitan tulad ng HD Unit sa Ospital at ang mga nakalinyang pagsasaayos ng ilang bahagi ng ESPH para gawing kaaya-aya para sa mga Estehanon.