Apat na suspek ang isinangkot sa pag-ambush na ikinasawi ng kapatid ng Alkalde ng Bayan ng San Isidro, Leyte noong Disyembre 21, 2022.
Ayon sa pulisya, sinampahan na ng kasong Murder and Attempted Murder ang mga suspek na kinilalang sina James Damayo, residente ng Brgy. Campocpoc, Tabango, Leyte at Archie Cosinillo Fernando a.k.a. Chixboy/Tikboy, residente ng Sitio Tahad, Brgy. Inangatan, Tabango, Leyte, at dalawang iba pa.
Ang mga nasabing suspek ay positibong natukoy ng mga testigo matapos umano ang matagumpay na pagsisiyasat ng Special Investigation Task Group (STIG) JB VELOSO.
Ayon pa sa mga kapulisan, ang kooperasyon ng komunidad, pakikipagtulungan ng mga testigo gayundin ang mga kuha ng mga CCTV footages sa lugar ay malaking tulong sa mabilis na paglutas sa nasabing kaso.
“The Task Group were able to successfully gather pieces of evidence coupled with sufficient information, proper coordination with other law enforcement units.” ayon kay Police Colonel Edwin C Balles.
Dead-on-the spot si Veloso matapos tambangan bandang alas 4:30 ng hapon sa National Highway of Brgy Libongao, Kananga, Leyte habang pauwi ito sa kanilang tahanan mula sa Ormoc City lulan ng isang Toyota Land Cruiser.
Kasama nito ang misis mismo ng Alkalde gayundin ang driver na himalang nakaligtas sa naturang ambush.
Pinapurihan naman ni Police Colonel Edwin C. Balles, ang buong pwersa ng SITG JB Veloso at ang Criminal Investigation Team para sa mabilis na imbestigasyon at agad na pagtukoy sa mga suspek.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulisya upang tukuyin ang mastermind sa nasabing pananambang.