Iloilo- Patay ang isang sundalo habang sugatan naman ang isang kasamahan nito sa naganap na sagupaan laban sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Sitio Agdalusan, Barangay Jayubo, sa bayan ng Lambunao sa Iloilo nito lamang umaga ng Martes.
Ang dalawang sundalo ay parehong miyembro ng Philippine Army’s 82nd Infantry Battalion (82IB).
Ayon kay Brig. Gen. Michael Samson, Commander, 301st Infantry Brigade, Philippine Army, hindi na nila anya pangalanan ang mga biktimang sundalo sapagkat kinakailangan munang ipagbigay-alam sa kani-kanilang mga pamilya.
Samantala, narekober naman ng mga awtoridad sa encounter site ang dalawang M16 rifle, isang caliber .45 pistol at iilang mga subersibong dokumento na naiwan ng mga rebelde, na pagmamay-ari ng Baloy Platoon, Central Front Komiteng Rehiyon-Panay.
May nakita namang mga marka ng dugo sa loob ng encounter site at sa mga dinaanan ng mga rebeldeng agad na tumakas nang tumagal na ang sagupaan.
Mariin namang tinuligsa ng mga awtoridad ang walang pakundangang pamimerwisyo ng mga rebelde hindi lamang sa mga sundalo at kapulisan lalong lalo na sa mga mamamayan ang nais lamang ay mamuhay ng tahimik sa nasabing lokalidad.