Maglalagay ng mga espesyal na daanan ng kargamento para sa agrikultura at mga produktong pangisdaan sa Silangang Visayas bilang hakbang para mapabilis ang transportasyon at mabawasan ang mga hindi kinakailangang gastos para sa mga magsasaka at kanilang mga kasosyo sa paghahatid, iyan ay ayon kay Police Brigadier General Bernard Banac, Regional Director, Police Regional Office 8.
Sinabi pa ni PBGen Banac, na nagkusa silang makipag-ugnayan sa regional office ng Department of Agriculture upang makabuo ng mga paraan para matulungan ang mga lokal na magsasaka bilang tugon sa programa ni Pangulong Bongbong Marcos na babaan ang presyo ng mga produktong agrikultura sa buong bansa.
“Naiintindihan namin at lubos naming sinusuportahan ang programa ng aming Commander-in-Chief at ang inisyatiba na ito ay sariling paraan ng PRO8 para makapag-ambag sa layuning ito,” ani Banac.
Nangako si Pangulong Marcos na tutukan ang pagbabawas ng presyo at katatagan ng suplay ng mga produktong agrikultura sa bansa. Itinalaga niya mismo ang kanyang sarili bilang kalihim ng DA at matiyak na ang lahat ng mga programa at proyekto ng departamento ay naaayon sa kanyang pangako noong kampanya.
“Ang ating mga tauhan ay tutulong din sa pamamahagi ng mga farm inputs at farm machineries lalo na sa mga geographically isolated at disadvantaged areas at kabilang dito ang pagsubaybay at seguridad sa mga communist rebel-infiltrated areas,” ani Banac.
Bukod sa mga cargo lanes at proteksyon ng mga produktong pang agrikultura, sinabi ni Banac na ang PRO8 ay nakatuon din sa pagsubaybay sa mga presyo ng mga produktong agrikultura sa mga lokal na pamilihan sa buong rehiyon upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka mula sa paglaganap ng mga smuggled na produktong agrikultura at ang mga mamimili mula sa hoarding.
Sinabi rin ni Banac na patuloy silang makikipag-ugnayan sa DA at Department of Trade and Industry sa pagpapatupad ng Republic Act 7581, o ang Price Act na nagbibigay ng proteksyon sa mga mamimili para sa presyo ng mga pangunahing bilihin.