Inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Silago, Southern Leyte na makakaakit ito ng mas maraming mamumuhunan matapos ang pormal na deklarasyon ng Stable Internal Peace and Security Condition (SIPSC) sa bayan.
Ayon kay Mayor Lemuel Honor, ang tagumpay na ito sa usapin ng kapayapaan ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa pag-unlad ng ekonomiya, turismo, at mga kabuhayan sa lugar.
“Ang Silago ang huling munisipalidad sa Southern Leyte na naapektuhan ng (komunistang) New People’s Army (NPA). Kami rin ang pinakamalaking bayan sa probinsya batay sa lawak ng lupa, at ngayon ay makikita na wala ng presensiya ng NPA kahit sa mga upland areas,” pahayag ni Honor noong Huwebes, Oktubre 30, 2025.
Pormal na inanunsyo ang deklarasyon sa isang seremonya na ginanap sa Silago Municipal Auditorium noong Miyerkules, na kumakatawan sa pagkamit ng katahimikan at katatagan ng bayan.
Sa nasabing okasyon ay isinagawa rin ang pagpirma ng memorandum of understanding sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga pwersa pang-seguridad, at iba pang sektor.
Ang deklarasyong ito ay nagpapatunay sa kawalan ng aktibidad ng NPA sa bayan at kumikilala sa kakayahan ng lokal na awtoridad na mapanatili ang kaayusan, kapayapaan, at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga programa para sa kaunlaran.
Pinuri ni Col. Rico Amaro, Acting Commander ng 802nd Infantry Brigade, Philippine Army, ang tagumpay na ito, na aniya’y resulta ng matibay na pagtutulungan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng mamamayan.
“Ito ay magsisilbing patunay na ang ating bayan ay mapayapa at kaaya-aya para sa mga mamumuhunan, negosyante, turista, estudyante, at iba pang investors,” ayon kay Amaro.
Dagdag pa niya, ang mas ligtas na kapaligiran ay nagbibigay-daan sa pamahalaan na maihatid ang mga serbisyo publiko hanggang sa mga liblib na lugar nang walang pangamba sa banta ng mga rebeldeng grupo, na nagdudulot ng mas magandang kalidad ng pamumuhay sa mga residente.
“Ang deklarasyong ito ay isang malaking hakbang patungo sa pagdedeklara sa buong lalawigan ng Southern Leyte bilang malaya sa insurhensiya at hindi kanais-nais para sa mga terorista,” dagdag pa niya.
Sa kabuuang 22 lokal na pamahalaang yunit sa Southern Leyte, ang mga bayan ng Sogod at Hinunangan na lamang ang kasalukuyang nagsasagawa ng proseso upang makamit ang kanilang SIPSC declarations.
Panulat ni Cami
Source: PNA