Makakatanggap ang mga senior citizen at persons with disability (PWDs) mula Lapu-Lapu City ng kanilang year-end cash assistance mula sa City Government hindi lalampas hanggang Disyembre 15, 2022.
Ito ay matapos aprubahan ng Sangguniang Panlungsod sa regular na sesyon nito noong Huwebes, Disyembre 1, ang ordinansang inakda ni Cong. Annabeth Cuizon, na magbigay ng tulong pinansyal sa pagtatapos ng taon sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Makakatanggap ng Php4,000 ang mga senior citizen habang Php3,000 naman ang PWDs.
Ang mga senior citizen ay dapat may valid at orihinal na Senior Citizen’s ID na inisyu ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) habang ang mga PWD ay dapat may hawak ng orihinal na Person with Disability Identification Card na inisyu ng City Social Welfare and Development Office-Persons with Disabilities Affairs Office.
Dagdag pa rito, ang senior citizen at PWD ay mayroon aktibong rekord ng pagboto sa lungsod at nanirahan sa lungsod mula noong Setyembre 30.
Ang mga kaanak ng mga benepisyaryo na namatay pagkaraan ng Setyembre 30 ay maaaring mag-claim ng tulong sa City Treasurer’s Office na papailalim sa pagsusumite ng mga sumusunod: orihinal na death certificate, patunay ng relasyon sa namatay (birth certificate at marriage certificate) at ang Senior Citizen o PWD ID ng namatay.
Nakasaad sa ordinansa na walang dobleng availment ng cash assistance. Gayunpaman, ang isang benepisyaryo na isang senior at isang PWD ay tatanggap ng Php5,000.
Sa panayam kay Luis Funtanar, OSCA Head, plano nilang ilabas ang cash assistance sa Disyembre 13 at 14 sa 30 barangays.
Sinabi ni Funtanar na nasa 32,600 senior citizens ang inaasahang makakatanggap ng cash assistance.
Sa datos ng PDAO, nasa 7,000 PWDs ang nakarehistro sa lungsod.