Bumuhos ang tulong sa mga nasunugan sa mga barangay ng Carmen at Obrero sa Calbayog City sa pagbisita ni Senator Bong Go noong Biyernes, April 21, 2023.
Maliban sa cash assistance gamit ang pondo ng Assistant to Individual in Crisis Situation o AICS ay namahagi rin ang senador ng grocery packs, sapatos, relo, bola, bisikleta at wheelchair.
Paraan niya raw ito para masuklian naman ang pagmamahal at suporta na ibinigay ng mga Calbayognon sa kanya noong tumakbo siya bilang senador.
Naroon din sa aktibidad sina Samar Governor Sharee Ann Tan, Cong. Jimboy Tan, Calbayog City Mayor Monmon Uy at Vice Mayor Rex Daguman maging ang mga konsehales at Board Members ng Primero Distrito ng Samar.
Ayon sa Senador, para palakasin pa ang hanay ng mga bombero ay may inakda siyang batas na magpapalakas sa Bureau of Fire Protection. Sa paraang ito ay kaagad umano na makakaagapay ang komunidad sa panahon na sunog. Aniya pa “kapag nasunog ang bahay ay damay ang kapitbahay”.
Samantala, nakiusap naman ang senador sa mamamayan na palaging unahin ang kalusugan. Ito ay dahil mayroon ng 157 na malasakit centers sa buong bansa.
Wala aniya dapat alalahaning bayarin ang publiko dahil sagot ng Malasakit Center ang hospital bills.
Kung hindi naman aniya kayang gamutin sa mga Malasakit partners hospital ay magpasabi lamang ang mga ito kay Gov. Tan, Cong. Tan at Mayor Uy dahil pati pamasahe ay sagot na niya papuntang Maynila.