Ang pagbebenta at paggamit ng mga paputok at pyrotechnics sa Cebu City ay papayagan lamang sa mga itinalaga na lugar upang maiwasan ang mga pinsala at insidente ng sunog ngayong holiday season.
Sa panayam sa Chairman of Committee on Peace and Order, Councilor Phillip Zafra, nitong Huwebes, Disyembre 22, 2022, sinabi nito na ang mga paputok at iba pang kaugnay na produkto ay maaari lamang ibenta sa isang partikular na lugar sa South Road Properties (SRP), kasabay nito ang karagdagang pahayag sa pagbabawal na pagbebenta ng mga ito sa mga sari-sari store at stalls sa mga bangketa.
Tinukoy naman na ng bawat barangay sa lungsod ang mga tiyak na lugar sa pagpapaputok lalo na sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon.
Aminado naman si Zafra na maraming lugar sa lungsod ang wala nang bukas espasyo kung saan maaaring maglagay ng firecracker zone.
Samantala, hinggil sa presyo ng mga paputok, saad ni Elsie Romarate, may-ari ng stall sa SRP, na dumoble na ang presyo ng mga paputok at pyrotechnics dahil sa mataas na halaga ng mga raw materials.