Mas pinalawak pa ng Department of Science and Technology (DOST) ang mga makabagong kagamitang pang-edukasyon sa mga malalayong komunidad sa bayan ng Bontoc sa pamamagitan ng Science and Technology Academic and Research-Based Openly Operated Kiosk Stations o Starbooks.
Pinangunahan ni Ramil Uy, hepe ng DOST–Southern Leyte, ang pormal na turnover ceremony ng mga yunit ng Starbooks sa mga upland barangay ng Olisihan at Pamigsian nitong Martes, October 21, 2025, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Bontoc.
Ayon kay Uy, layunin ng proyekto na paigtingin ang kaunlaran ng mga mamamayan sa pamamagitan ng agham at teknolohiya, at bigyan ang mga komunidad ng akses sa mahahalagang kagamitang pang-edukasyon kahit sa kawalan ng matatag na koneksyon sa internet.
“Sa pamamagitan ng programang ito, naihahatid natin sa mga malalayong lugar ang kaalaman at mga oportunidad na hatid ng agham at teknolohiya,” pahayag ni Uy sa isang panayam sa telepono noong Huwebes, Oktubre 23, 2025.
Bago ang turnover, ipinakita ng DOST sa mga guro at residente ang mga tampok ng Starbooks at kung paano ito magagamit bilang mahalagang sanggunian sa pag-aaral ng mga estudyante, guro, at sinumang nagnanais na matuto.
Samantala, binigyang-diin ni Mayor Noel Alinsub ang kahalagahan ng pamumuhunan sa mga kasangkapan sa agham at teknolohiya upang palakasin ang kakayahan ng mga kabataang mag-aaral at hikayatin ang inobasyon sa mga kanayunang lugar.
“Sa mga proyektong tulad ng Starbooks, inilalapit natin ang mga oportunidad sa pagkatuto sa ating mga kababayan. Ang akses sa impormasyon ay susi sa pag-unlad, at sa ganitong paraan, sinisiguro nating walang maiiwan,” ani Alinsub.
Ang Starbooks program, na binuo ng DOST–Science and Technology Information Institute (DOST-STII), ay kauna-unahang digital science library sa bansa. Nagbibigay ito ng offline access sa libu-libong sanggunian hinggil sa agham, teknolohiya, at inobasyon — isang malaking tulong para sa mga paaralan at komunidad na walang matatag na internet connection.
Sa pamamagitan ng pagdadala ng Starbooks sa mga liblib na barangay, muling pinagtitibay ng DOST ang kanilang paninindigan sa adbokasiyang “Agham para sa Mamamayan,” na naglalayong gawing abot-kamay ng bawat Pilipino ang kaalaman at kaunlaran, saan mang sulok ng bansa.
Panulat ni Cami
Source: PNA