Arestado ng mga awtoridad ang isang dating sundalo matapos itong masangkot sa pananaga sa isang lalaki bandang alas 8:50 ng gabi nitong Lunes, Enero 1, 2024 sa Brgy. Picas, Tanauan, Leyte.
Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, kinilala ang biktima na si Jerome Nuevas y Ivara, 29 anyos, isang construction worker, walang asawa, at residente ng Brgy. Picas, Tanauan, Leyte.
Kinilala naman ng Tanauan Municipal Police Station ang suspek na si Felix Nuevas Jr. y Escarilla, 58 anyos, may asawa, isang Retired Army, at residente ng Brgy. Picas, Tanauan, Leyte.
Batay sa imbestigasyon, nang buksan ng biktima ang kanyang tarangkahan sa nabanggit na araw ay tumambad ang suspek na may dalang itak at biglang pinagtataga ang biktima.
Nagtamo naman ng mga sugat dulot ng pananaga sa katawan ang biktima partikular sa kanang kamay at sa likod na bahagi ng kanyang katawan.
Matapos ang insidente ay agad namang isinugod sa Leyte Provincial Hospital ang biktima para sa atensyong medical habang napasakamay naman ng mga awtoridad ang suspek matapos ang matagumpay na hot pursuit operation.
Nakumpiska naman sa kustodiya ng suspek ang itak na ginamit at kasalukuyan itong nasa Tanauan Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon.