Patay ang isang person with disability (PWD) na nakatanggap ng banta sa kanyang buhay matapos masangkot sa insidente ng pagnanakaw. Ang gunman na sakay ng motorsiklo ay walang awang pinagbabaril ang biktima habang nakaupo sa kanilang sari-sari store na nagresulta sa kanyang pagkamatay nito lamang Sabado alas-7:15 ng umaga, Hulyo 23, 2022, sa Purok Candle, Sitio Fatima, Barangay Lower Lipata, Minglanilla, Cebu.
Kinilala ang biktima na si Adrin Solamo Llamas, 35, binata, at residente ng nabanggit na lugar.
Isinalarawan ng mga saksi ang suspek na isang lalake na katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng maong pants at sweatshirt, ngunit bigong nakilala dahil sa suot na helmet at face mask.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala at isang hindi pa nagamit na bala ng .45 pistol.
Ayon sa inisyal na imbistigasyon ng Minglanilla Police Station, nakausap ni Police Staff Sergeant Villasorda ang mga magulang ng biktima na si Bienvenido Llamas, 61, at asawang si Florenda, 60, na ang umanoy biktima ay may mental health disorder na tinatawag na kleptomania.
Dagdag pa nito, ang biktima ay inireklamo dalawang linggo na ang nakararaan dahil sa pagnanakaw, ngunit nagawa pa itong areglohin at bayaran ng kanyang mga magulang.
Ngunit, nakatanggap umano ang biktima ng pagbabanta mula sa isa sa mga kasama ng nagreklamo na siya ngayo’y isa sa mga tinitingnang motibo sa likod ng insidente.
Dagdag pa ni Villasorda na marami nang reklamo ng pagnanakaw laban kay Adrin, ngunit hindi umabot sa pulisya ang usapin dahil naayos ito ng maayos ng mga magulang ng biktima.
Inaalam pa ng pulisya ang iba pang motibo maliban sa pagnanakaw gayundin ang pagkakakilanlan ng suspek.