Patay ang isang pulis sa engkwentro laban sa humigit-kumulang sampung (10) mga miyembro ng CPP-NPA terrorist group sa boundary ng Brgy San Nicolas, San Jose de Buan at Brgy Mabuhay, Gandara, Samar, noong Hulyo 16, 2022.
Ayon sa ulat ng PNP, kinilala ang namatay na pulis na si Patrolman Mark F. Monge, 28, residente ng Brgy. Pawing, Palo, Leyte at nakatalaga sa 804th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 8.
Ang 804th Maneuver Company kasama ang 2nd Eastern Samar Provincial Mobile Force Company ay nagsasagawa lamang ng ‘humanitarian activities’ sa mga nasabing lugar nang bigla na lamang puntiryahin ng mga terorista. Tumagal ng halos limang (5) minuto ang palitan ng putok hanggang sa umatras at tumakas ang mga miyembro ng CTG patungo sa hilagang silangang bahagi ng encounter site.
Si Pat Monge ay tinamaan at lubhang nasugatan na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay. Hindi tiyak kung ilan ang nasugatan o namatay sa grupo ng mga terorista.
Samantala nagpaabot naman ng pakikiramay si Police Brigadier General Bernard M Banac, Regional Director, Police Regional Office 8 sa pangyayari.
Anya, “Sa pagkamatay ni Pat Monge, kami sa PNP ay mariing kinokondena ang ganitong kataksilan na ginawa ng mga miyembro ng CTG. Hindi tayo titigil sa paghabol sa mga may sala dito. Ang CTG ay isa sa mga ugat ng kahirapan sa mga hinterland areas ng Eastern Visayas at ito ay kailangang wakasan. Mas paiigtingin pa natin sa ating kampanya laban sa insurhensiya”, ani RD Banac.