Inihayag ng Gobernador ng Cebu, Gwendolyn Garcia na ilulunsad na ang “HimSugbo,” o “Himsog nga Sugbo,” ang programa ng Pamahalaang Panlalawigan na magbibigay ng mga libreng gamot at suplay na medikal sa mga mahihirap na pasyente sa mga district at provincial hospitals sa Lalawigan ng Cebu ngayong weekend.
Ayon kay Garcia na tinatapos na nila ang encoding ng Quick Respond (QR) codes sa mga prescription slip na pipirmahan ng mga doktor at iba pang stakeholders.
“Sa tingin ko ang sistema ay ginagawa pa rin, ngunit maaari na nating simulan ang pagpapatupad,” sabi ni Garcia.
Sa Sabado, Disyembre 10, 2022, at Linggo, Disyembre 11, ang Pamahalaang Panlalawigan ay magsasagawa ng mga medical mission sa bayan ng Argao at Carcar City sa Cebu kung saan sisimulan sa unang pagkakataon ang QR-coded prescriptions.
“Yun po ang target namin na ang mga nangangailangan ng gamot ay mabigyan ng QR-coded prescription slips na magagamit ng mga indigent patients sa pagbili,” ani Garcia.
Sinabi ng gobernador na maaaring iharap ng isang benepisyaryo ang reseta, na magkakaroon din ng pirma ng isang social welfare personnel at chief of hospital, sa mga partner merchant ng Pamahalaang Panlalawigan na mag-ii-scan ng QR code at maglalabas ng mga item na inireseta ng attending physician nang libre.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ay pumasok sa isang kasunduan sa 40 parmasya at mga medikal na supplier para sa pagpapatupad ng “HimSugbo.”
Sinabi ni Garcia na gagamit ang Kapitolyo ng pondo mula sa Office of the President na nagkakahalaga ng P50 milyon at ang Department of Health na nagkakahalaga ng P35 milyon para sa bagong programa.
Bukod sa mga gamot, ang mga benepisyaryo ay maaari ding makakuha ng libreng prosthetics at assistive device, at iba pa.