Tacloban City – Nilagdaan ng pamahalaang panlalawigan ng Samar at mga partner nito ang isang memorandum of understanding para maisakatuparan ang Expanded Youth Leadership and Governance Program (EYLGP) nito lamang Huwebes, Nobyembre 30, 2023.
Pinirmahan ni Gobernador Sharee Ann Tan ang memorandum kasama ang Zuellig Foundation Deputy Executive Director Anthony Faraon, mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, Commission on Population and Development, Department of the Interior and Local Government, Department of Education, at Department of Health.
Sa paglagda, binigyang-diin ni Tan ang kahalagahan ng pag-unawa, na maaaring maging pinakamahusay na paraan upang matugunan ang mga isyu tungkol sa mga kabataan, partikular na ang maagang pagbubuntis.
“Napakalaki ng problemang ito na hindi kayang lutasin ng isang ahensya. The best way to address this is through a collective approach,” sabi ni Tan.
“We need to acknowledge and own the problem and share it to know what agencies can help,” dagdag niya.
Ang programa ay bahagi ng pagpapatupad ng Joint Program on Accelerating the Reduction of Adolescent Pregnancy sa Samar, isang proyektong pinondohan ng Korean International Cooperation Agency (KOICA) at mga ahensya ng United Nations na United Nations Population Fund, United Nations International Children’s Emergency, at World Health Organization.
Ang KOICA at UN ay kasalukuyang nagpapatupad ng Php490 milyon para sa apat na taong partnership program sa Samar at Southern Leyte, bilang bahagi ng kanilang suporta sa kampanya ng gobyerno ng Pilipinas para mapababa ang maagang pagbubuntis ng kabataan sa bansa.
“Ang paglagda na ito ay isang testamento na kung sama-sama tayong magtutulungan sa pagbaba ng adolescent birth rate, talagang makakamit natin ang ating pangkalahatang layunin,” sabi ni Faraon.