Kabuuang 44 na tauhan mula sa Police Regional Office 8 ang ipinadala sa probinsya ng Cebu upang tumulong sa nagpapatuloy na disaster response operations sa mga lugar na naapektuhan ng 6.9 magnitude na lindol.
Umalis ang grupo noong Oktubre 2, 2025, matapos ang isang send-off ceremony na isinagawa sa Tactical Operations Group 8 headquarters sa DZR Airport.
Sa mga ipinadala, 22 ay mula sa PRO-8 kung saan kabilang ang 17 security personnel mula sa Regional Mobile Force Battalion 8, isang miyembro ng Incident Management Team (IMT), at apat na medical staff (isang doktor at tatlong nars) mula sa Regional Medical and Dental Unit 8, kasama ang apat na driver.
Bukod dito, 18 personnel mula sa Regional Maritime Unit 8 ang naunang ipinadala noong Oktubre 1, kasama ang isang search and rescue dog at ang handler nito.
“Ang aming pakikibahagi sa deployment na ito ay nagpapakita ng aming pangako na makipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno at iba pang katuwang upang mapangalagaan ang mga mamamayan ng Cebu at ang mga naapektuhang lugar”, ayon kay PRO8 Regional Director PBGen Jason Capoy.
Dagdag pa niya, ang pagpapadala ng tulong sa mga naapektuhan ng lindol ay pagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan sa pagtugon sa pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Ang mga ipinadalang pulis ay bahagi ng grupo na ipinakilos ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) VIII Regional Incident Management Team (RIMT) at Response Teams, sa pangunguna ng Office of Civil Defense 8.
Panulat ni Cami
Source: PRO 8
