Saturday, May 3, 2025

HomeNewsPRO 8, nagtalaga ng 101 pulis bilang mga miyembro ng Special Electoral...

PRO 8, nagtalaga ng 101 pulis bilang mga miyembro ng Special Electoral Board sa BARMM

Nagpadala ang Philippine National Police (PNP) ng 101 pulis na sinanay bilang mga espesyal na miyembro ng electoral board upang mamahala sa mga voting center sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nito lamang Abril 30, 2025.

Mananatili ang mga pulis sa mga lalawigan ng Lanao del Sur at Maguindanao mula Mayo 1 hanggang Mayo 23, o dalawang linggo bago at pagkatapos ng halalan sa Mayo 12, 2025.

Ayon kay PBGen Jay R Cumigad, Regional Director ng PNP Eastern Visayas, ang pagpapadala ng mga pulis ay alinsunod sa direktiba ng kanilang punong tanggapan upang magtalaga ng mga pulis na may kasanayan sa pinakabagong teknolohiya sa pagboto.

“Nagpapakilos tayo ng dedikadong puwersa na handang magsilbi nang may pagbabantay at integridad. Handa silang maitalaga saanmang bahagi ng bansa kung saan sila higit na kailangan,” ani Cumigad.

Sinanay ng mga kawani ng Commission on Elections (Comelec) ang mga pulis sa paggamit ng automated counting machines (ACMs) noong Marso 25-26.

Binigyan din ng sertipikasyon mula sa Department of Science and Technology ang mga pulis upang opisyal silang makagamit ng ACMs.

Ang Police Regional Office 8 ay nagsanay ng kabuuang 172 pulis bilang paghahanda para sa mid-term elections sa Mayo 12 sa regional training center ng PRO 8. Ilan sa kanila ay itatalaga sa mga lugar na itinuturing na election hotspots sa rehiyon.

“Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magpapadala tayo ng mga pulis bilang miyembro ng electoral board. Naiintindihan ko ang inyong kaba, ngunit hindi kayo nag-iisa. May mga opisyal doon na handang tumulong sa inyo,” pahayag ni Comelec assistant regional director Maria Corazon Montallana.

Ang hakbang na ito ay tugon sa pinakabagong talaan ng election hotspots na inilabas ng Comelec noong Marso 19, kung saan 30 bayan sa BARMM ang kasama, at halos 20 rito ay matatagpuan sa Lanao del Sur.

Ang 101 pulis ay kabilang sa 277 na opisyal na lumahok sa local absentee voting sa PRO-8 headquarters noong Abril 29, kaya’t nakaboto na sila nang mas maaga.

Panulat ni Cami

Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]