Nasabat ng Police Regional Office 7 ang tinatayang Php24 milyong halaga ng ilegal na droga sa isinagawang serye ng anti-drug operations sa buong Central Visayas mula Abril 20 hanggang 26, 2025.
Ayon sa ulat, umabot sa 3,589.76 gramo ng hinihinalang shabu ang narekober sa naturang operasyon, na may standard market value na Php24,410,368. Kabilang din sa nakumpiska ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Umabot sa 205 na katao ang naaresto, kabilang ang 14 na high-value individuals na target ng pulisya.
Ayon kay Police Brigadier General Redrico A Maranan, Regional Director ng PRO7, ang serye ng operasyon ay bahagi ng direktiba ni PNP Chief Police General D Rommel Marbil na tiyaking nananatili ang kaayusan at seguridad sa rehiyon lalo na ngayong nalalapit na ang eleksyon.
“PRO 7 will continue to operate relentlessly against illegal drugs to ensure a peaceful and orderly election process while respecting human rights,” ani Maranan.
Tiniyak din ng PRO 7 sa publiko na ang mga naarestong suspek ay sasampahan ng kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Patuloy ring paiigtingin ang kanilang kampanya kontra droga sa buong panahon ng halalan.
Source: AYB/Sunstar