Ipinag-utos ni Police Regional Offic Central Visayas (PRO 7) Director Police Brigadier General Anthony Aberin ang imbestigasyon sa dalawang tauhan ng Mobile Patrol Unit ng Cebu City Police Office (CCPO) na nahuling natutulog sa loob ng patrol car habang naka-duty tulad ng ipinapakita sa isang video na naging viral sa social media.
Ang dalawang opisyal ay nakunan ng camera na nakatulog sa loob ng patrol car habang ito ay nakaparada sa kahabaan ng General Maxilom Avenue sa uptown Cebu City noong Huwebes, Abril 13, 2023, habang naka-on ang makina at air conditioner nito.
Isang Alex Lim ang kumuha ng video at nag-upload nito sa Facebook.
Dahil dito, nag-utos si CCPO Chief Colonel Ireneo Dalogdog para sa kanilang relief at pansamantalang itinalaga sa Cebu City Holding Admin Unit habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para sa kasong administratibo.
Kasama rin sa imbestigasyon ang hepe ng Mobile Patrol Unit at ang kanilang patrol supervisor.
Sinabi ni Aberin na sumasailalim sa due process ang nasabing mga pulis at binibigyan ng karapatang ipagtanggol ang sarili at ipaliwanag ang kanilang panig sa isyu.
“Dahil mabilis ang PRO 7 sa pagkilala sa mabubuting gawa ng ating mga tauhan, mabilis din tayo sa pagpapataw ng mga hakbang sa pagdidisiplina sa mga tauhan na lumalabag sa patakaran ng PNP sa pagganap ng kanilang mga tungkulin,” ani Aberin.