Matagumpay na isinagawa ng mga awtoridad ang isang Pre-Marriage Orientation and Counseling para sa mga magkasintahang nakatakdang magpakasal mula sa iba’t ibang barangay ng Guihulngan City, Negros Oriental nito lamang ika-13 ng Oktubre, 2025.
Pinangunahan ito ni PSMS Debbie G Racaza ng Women and Children Protection Desk (WCPD) sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Lirio C Coral, Acting Chief of Police ng Guihulngan City Police Station.
Layunin ng aktibidad na bigyang kaalaman ang mga kalahok tungkol sa mahahalagang aspeto ng buhay may-asawa at mga batas na umiiral upang mapangalagaan ang kanilang karapatan.
Tinalakay sa naturang aktibidad ang mga paksang tulad ng mga batas para sa proteksyon ng kababaihan at kabataan, kampanya laban sa insurhensiya, mga paalala ukol sa kaligtasan, at mga estratehiya sa pag-iwas sa krimen.
Ang mga paksa ay itinuro upang mapalawak ang kamalayan ng mga magkasintahan hinggil sa papel nila bilang responsableng mamamayan at magulang sa hinaharap.
Ang programa ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Health Office (CHO), Local Civil Registrar (LCR), at ng Religious Sector.
Isinagawa ito sa City Gymnasium, Barangay Poblacion, Guihulngan City, kung saan aktibong lumahok ang mga dumalong magkasintahan.
Sa kabuuan, layon ng aktibidad na ito na hindi lamang paghahandaan ng mga magkasintahan ang kanilang kasal, kundi maging ang kanilang tungkulin sa pamilya at lipunan, sa tulong at pangunguna ng mga awtoridad.
Source: Guihulngan Pulis FB Page
