Positibo na sa red tide ang Maqueda Bay, isang anyong-tubig na itinuturing pangunahing prodyuser ng tahong sa rehiyon, ayon sa pinakabagong red tide advisory mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nito lamang Agosto 20, 2024.
Sakop ng Maqueda Bay ang mga bayan ng Jiabong, Motiong, Paranas, San Sebastian, Calbiga, Pinabacdao, at Hinabangan sa probinsya ng Samar.
Ayon sa advisory, mahigpit na ipinapatupad ngayon ang shellfish ban sa nasabing mga karagatan matapos magpositibo sa saxitoxin, isang lason na nagdudulot ng paralytic shellfish poisoning, ang mga shellfish meat samples na nakolekta sa lugar.
Kasama rin sa mga may shellfish ban ang mga sumusunod na karagatan:
Daram Island, Samar, Zumarraga Island, Samar, Cambatutay Bay, Tarangnan, Samar, Matarinao Bay (General MacArthur, Quinapondan, Hernani, at Salcedo), Cancabato Bay sa Tacloban City, Irong-Irong Bay, Catbalogan City, Villareal Island, Villareal, Samar.
Dahil dito, ayon sa BFAR, patuloy na ipinagbabawal ang pagkuha, pagkain, at pagbebenta ng kahit anong uri ng shellfish sa nasabing mga karagatan.
“Ang sinumang lalabag sa SHELLFISH BAN na ito ay haharap sa kaukulang parusa,” ayon sa BFAR.
Dagdag pa ng ahensya, nananatiling may local red tide warning sa mga karagatan ng:
Coastal Waters ng Biliran Island, Coastal Waters ng Calbayog, Samar, Carigara Bay (Babatngon, San Miguel, Barugo, Carigara, Capoocan, Leyte).
Panulat ni Cami