Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) regional office sa Eastern Visayas ang publiko na iwasan ang paggamit ng 28 bawal na paputok.
Naglabas ang Police Regional Office-8 (PRO-8) nitong Biyernes ika-20 ng Disyembre, ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act 7183, ang batas na nagre-regulate sa pagbebenta, paggawa, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.
Ang mga bawal na paputok ay ang watusi, piccolo, poppop, five star, pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb, atomic triangle, malaking Judas belt, goodbye delima, hello columbia, goodbye napoles, super yolanda, mother rockets, kwiton, at super lolo.
Kasama rin sa ipinagbabawal ang goodbye bading, goodbye philippines, bin laden, coke-in-can, pillbox, kabasi, special, king kong, tuna, at goodbye chismosa.
Itinuturing ding labag sa batas ang mga sobrang bigat o sobrang laking paputok (higit sa 0.2 grams o higit sa 1/3 kutsarita ng eksplosibong nilalaman), mga paputok na ang mitsa ay nasusunog nang mas mababa sa tatlong segundo o higit sa anim na segundo, at mga paputok na may halong phosphorous at/o sulfur na may chlorates.
“Pinaaalalahanan ng PNP ang publiko na bumili at gumamit lamang ng certified Philippine Standard fireworks at paputok mula sa mga rehistradong tindahan,” ayon sa PRO-8.
Ang mga paputok na ginagawa, ibinebenta, o ipinapamahagi nang walang kinakailangang occupancy permit o business permit upang makapag-operate ay bawal din.
Hinimok ng pulisya ang mga tao na pumili ng ligtas na alternatibo tulad ng community fireworks display.
Inatasan ng regional office ang lahat ng police stations sa rehiyon na regular na inspeksyunin ang mga nagtitinda at stall ng paputok upang masiguro ang ligtas na pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa mga lugar na itinalaga bilang community fireworks display at firecracker zones, magtatalaga ng humigit-kumulang 2,500 pulis na susuportahan ng 687 augmentation units at 854 advocacy groups.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ang rehiyon ng 32 kaso ng sugatan dahil sa paputok, mas mataas kumpara sa anim na kaso noong 2022.
Inaasahan ang pagtaas ng bilang dahil ito ang unang pagdiriwang matapos ang tatlong taong restriksyon dulot ng pandemya.
Panulat ni Cami
Source:PNA