Naka-full alert na ang buong puwersa ng Police Regional Office 7 (PRO-7) simula Sabado, Mayo 3, 2025, bilang paghahanda sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.
Layunin nito na matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng eleksyon sa buong Central Visayas.
Ayon kay PRO-7 Director Police Brigadier General Redrico Maranan, mahigpit ang koordinasyon ng pulisya sa Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang ahensiya ng pamahalaan para sa seguridad ng halalan.
“We are committed to securing every polling center and ensuring that no threat disrupts the voice of the people,” ani Maranan.
Kasama sa mga nakaantabay para sa agarang deployment ang mga yunit tulad ng Reactionary Standby Support Force at Quick Reaction Team. Lahat ng tauhan ng PRO-7 ay kanselado ang mga bakasyon bago at sa mismong araw ng halalan.
Hinimok ng PRO-7 ang publiko na manatiling kalmado, maging mapagmatyag, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Sa Cebu City, pinangunahan ng Cebu City Police Office (CCPO) ang huling pagpupulong ng City Joint Security Control Center kasama ang mga kinatawan ng Comelec na sina Ferdinand Gujilde at Ambongan Abillar, Police Colonel Enrico Figueroa, City Director ng Cebu City Police Office at iba pang opisyal mula sa mga ahensiyang pampamahalaan.
Tinalakay sa pagpupulong ang deployment ng mga pulis at sundalo sa 80 barangay ng lungsod. Lalong paiigtingin ang seguridad sa lungsod simula Linggo, Mayo 11, kasabay ng pagdating ng mga automated counting machine sa mga paaralan. Magiging kaagapay ng mga guro ang mga pulis sa paghahatid ng mga makinang ito upang matiyak ang ligtas na pagdating sa mga voting center.
Samantala, labinlimang lugar sa rehiyon ang nasa ilalim ng yellow category dahil sa mga election-related incidents at political tension. Kabilang dito ang Cebu City, Mandaue City, Daanbantayan, Argao, San Fernando, Dalaguete, Balamban at Dumanjug sa Cebu; at San Miguel, Buenavista, Trinidad, Ubay, Inabanga, Tubigon at Tagbilaran City sa Bohol.
Tiniyak ni PBGen Maranan na handa ang PRO-7 na panatilihin ang katahimikan at kaayusan upang maging mapayapa ang halalan sa buong rehiyon.
Source: AYB/Sunstar